--Ads--

Nakaantabay ang Department of Migrant Workers (DMW) Regional Office 2 sa mga impormasyon mula sa kanilang Central Office kaugnay ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na posibleng maapektuhan ng repatriation mula sa Middle East.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Gerry Miranda Nicolas, ang Chief Labor and Employment Officer ng Processing Division ng DMW Region 2, sinabi niyang may apat na prosesong sinusunod ang ahensya sa pagtugon sa sitwasyon ng mga OFWs.

Ayon kay Nicolas, unang tinututukan ng ahensya ang mga OFWs na nasa pre-departure stage, kabilang ang mga aalis pa lamang mula sa Pilipinas at ang mga nasa layover na patungo sa kanilang bansang destinasyon.

Gayunman, sinabi niyang hindi kabilang dito ang Region 2 dahil wala pang international airport sa rehiyon kung saan direktang umaalis ang mga OFWs.

--Ads--

Pangalawa, minomonitor ng DMW ang mga OFWs na kasalukuyang nasa country of destination na maaaring maapektuhan ng kaguluhan.

Aniya, nagtatag ang kanilang tanggapan ng online assistance upang matulungan ang mga pamilya ng OFWs na makipag-ugnayan sa kanilang mga kaanak sa ibang bansa at makakuha ng impormasyon hinggil sa kanilang kalagayan.

Samantala, ikatlong bahagi ng operasyon ang repatriation process na pinangangasiwaan ng Migrant Workers Office (MWO) sa ibang bansa. Dito, ipinapaabot sa mga OFWs at kanilang pamilya ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng proseso ng pag-uwi sa Pilipinas.

Ang ikaapat na proseso naman ay ang pagtulong sa mga OFWs na nais nang umuwi ngunit naghihintay pa ng pagkakataong makalabas mula sa Middle East.

Ayon kay Nicolas, nakapagtukoy na ang mga kinauukulan ng limang bansa na maaaring magsilbing exit point upang makatawid ang mga OFWs sa border at makasakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.

Sa ngayon, sinabi niyang wala pang opisyal na datos na naipapadala sa DMW Region 2 tungkol sa bilang ng mga OFWs mula sa rehiyon na apektado ng sitwasyon.

Ipinaliwanag niya na hindi sila awtorisadong maglabas ng bilang hangga’t hindi ito nagmumula sa Central Office ng DMW upang masiguro ang pagiging pare-pareho ng ulat.

Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng DMW sa Migrant Workers Office (MWO) sa ibang bansa na siyang direktang tumutulong sa mga OFWs.

Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ng MWO ang paglalagay ng mga OFWs sa temporary shelters malapit sa embahada o konsulada habang hinihintay ang kanilang repatriation.

Sa mga nasabing pasilidad ay may nakahandang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga OFWs habang inaayos ang kanilang mga dokumento at biyahe pauwi ng Pilipinas.

Nagpaalala rin ang DMW Region 2 na nakapaskil sa kanilang Facebook page ang mga contact numbers na maaaring tawagan ng mga OFWs at kanilang pamilya upang makakuha ng tulong o impormasyon.

Samantala, tiniyak ng ahensya na may nakahandang
financial assistance at reintegration programs para sa mga OFWs na makakauwi sa bansa bilang bahagi ng kanilang suporta sa mga repatriated workers.