--Ads--

Magbibigay ng buong suporta ang Department of Health (DOH) sa muling pagbubukas ng hospital sa Villa Conception, Cauayan City, kabilang ang pagbibigay ng kagamitan at pagpapaganda ng pasilidad sa naturang ospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan  kay Undersecretary Glenn Mathew Baggao ng DOH, sinabi niyang inaasahang mabubuksan ang ospital sa lalong madaling panahon upang mas mapalapit ang serbisyong medikal sa mga residente, lalo na’t malayo ang ibang ospital sa lungsod. Bahagi rin ng tulong ng DOH ang pagbibigay ng lisensya para makapag-operate muli ang ospital.

Aniya, magsisimula muna ang Villa Conception bilang infirmary, na may primary care services at unti-unting magiging full-service hospital. Magbibigay din ito ng emergency management para sa mga agarang kaso, bago pa man makarating ang pasyente sa mas malalayong ospital.

Mensahe pa ni Usec. Baggao sa publiko na handa ang DOH at iba pang pasilidad sa buong bansa na magbigay ng de-kalidad na serbisyong medikal, at huwag mag-atubiling magpatingin dahil sakop ng Zero Balance Billing program ang basic accommodation, kung saan libre ang ospital sa pasyente.

--Ads--