Dismayado si Senator Alan Peter Cayetano dahil hanggang sa ngayon ay wala pa ring naisasailalim sa preventive suspension mula sa mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na posibleng sangkot sa pagbagsak ng Cabagan-Santa Maria bridge sa Isabela.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni DPWH Usec. Eugenio Pipo Jr., na hanggang sa mga oras na ito ay wala pa silang tauhan sa ahensya na nasususpendi na sangkot sa pagpapatayo at maintenance ng nasabing tulay.
Puna ni Cayetano, dalawang linggo na ang nakalipas mula nang mangyari ang insidente at dapat habang nagsasagawa ng imbestigasyon ay isinailalim na sa preventive suspension ang mga nasa likod ng proyekto.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi naman nangangahulugan na “guilty” na agad kapag isinailalim sa preventive suspension kundi ito ay para protektahan lamang ang imbestigasyon sa nangyari.
Giit pa ni Cayetano, tila hindi sineseryoso ng DPWH ang nangyaring insidente lalo’t hindi pa dumalo sa motu proprio investigation si DPWH Sec. Manuel Bonoan.