Mahigit 45 katao ang nasawi at humigit-kumulang 70 pa ang nasugatan matapos ang malakas na pagsabog sa isang gusaling umano’y pinag-iimbakan ng mga pampasabog para sa pagmimina noong Linggo sa hilagang-silangang bahagi ng Myanmar.
Nangyari ang insidente bandang tanghali sa Kaungtup, Namhkam, malapit sa border ng China. Ang lugar ay kasalukuyang nasa ilalim ng kontrol ng Ta’ang National Liberation Army (TNLA), isang armadong ethnic group na matagal nang nakikibaka laban sa pamahalaan ng Myanmar.
Ayon sa mga rescue workers, 46 na bangkay, kabilang ang anim na bata, ang narekober at dinala para sa cremation pagsapit ng Linggo ng gabi. Umabot naman sa 74 ang sugatan na isinugod sa ospital habang nagpapatuloy ang mga operasyon.
Sinabi rin ng isa pang rescuer na mahigit 100 kabahayan malapit sa pinangyarihan ng pagsabog ang napinsala. Samantala, iniulat ng ilang lokal na media sa Myanmar na maaaring nasa pagitan ng 50 at 55 ang kabuuang bilang ng mga nasawi.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang pagsabog sa isang pasilidad kung saan nakaimbak ang maraming mga pampasabog na ginagamit sa pagmimina at quarrying operations.
Sa pahayag ng TNLA, kinumpirma nitong ang gelignite, isang uri ng pampasabog na karaniwang ginagamit sa pagmimina at pagpapasabog ng bato ang nakaimbak sa pasilidad para sa mga proyekto ng kanilang economic department. Isinasagawa pa ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagsabog.
Ang TNLA ay kabilang sa Three Brotherhood Alliance, isang alyansa ng mga rebeldeng grupo na kumontrol sa lugar ng Namhkam matapos ang malawakang opensiba laban sa militar ng Myanmar noong huling bahagi ng 2023.
Patuloy ang kaguluhan sa Myanmar mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan mula sa halal na pamahalaan ni Aung San Suu Kyi noong Pebrero 1, 2021. Ang kudeta ay nagbunsod ng malawakang pagtutol at armadong labanan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.











