
CAUAYAN CITY – Namamahagi ng bigas na mula sa Korea ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa 93 local government units (LGUs) sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na ang nasabing bigas ay mula sa kanilang central office na donasyon ng bansang Korea.
Gayunman ay isang daang sako lamang ang nakalaan sa bawat LGU at ang tanging mabibigyan ay ang mga pamilyang mula sa poorest of the poor.
Ang mga LGUs aniya ang nabigyan ng karapatan na mamili ng mga karapat-dapat na makatanggap ng ayuda.
Sa kabuuan ay mayroong 9300 daang sako na kanilang ipapamigay at nasa 30% hanggang 40% na ang kanilang nabigyan.
Pinaalalahanan naman nito ang mga makakatanggap na hindi nila puwedeng ibenta ang nasabing ayuda.










