
CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na gamitin sa tama ang mga natatanggap nilang ayuda mula sa pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na sino mang miyembro ng naturang programa na mahuhuling gumagawa ng hindi karapat-dapat gaya na lamang ng pagsusugal ay mapapatawan ng kaukulang parusa.
Bibigyan aniya sila ng pagkakataon na magbago subalit kung hindi pa rin sila titigil ay puwede silang matanggal sa programa.
Kailangan aniya silang maturuan kung paano maging responsableng miyembro ng kanilang pamilya.
Kaugnay nito, hinimok niya ang mga mamamayan na kung may alam silang miyembro sa programa na sangkot sa mga ganitong gawain ay ipagbigay alam sa kanilang mga tanggapan para mabigyan ng aksyon.
Samantala, sinabi ni ARD Alan na sa kabila nito ay wala pa naman silang natatanggal na mga miyembro mula ng ipatupad ang community quarantine.
Sa katunayan aniya ay may mga nagsauli rin ng mga natanggap nilang ayuda nang malamang iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga nakatanggap ng dobleng ayuda mula sa pamahalaan.










