
CAUAYAN CITY – Tinututukan ngayon ng DSWD Region 2 ang deduplication sa mga isinumiteng left out beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Jeaneth Lozano, tagapagsalita ng DSWD Region 2, sinabi niya na tapos na ang pagsumite ng mga local government units (LGU) ng pangalan ng mga left out beneficiaries sa unang tranche ng SAP.
Umabot aniya ito sa 52,664 na pamilya at naisumite na rin sa kanilang central office.
Ayon kay Lozano, 24,867 sa naturang bilang ang mula sa Isabela habang ang Cagayan naman ay mayroong 24,904.
Tinitiyak nilang hindi na madodoble ang mga nakatanggap noong una gayundin ang mga nakatanggap ng ayuda mula sa ibang programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng deduplication.
Sa pamamagitan ng pag-type sa pangalan ng mga benepisaryo sa computer ay malalaman kung mayroon silang pangalan sa ibang listahan.
Idinagdag pa nito na ang kanilang pagbabatayan ay ang ID ng mapapabilang sa ayuda kaya kung maling pangalan ang nasa ID kapag magbibigay na ng ayuda ang DSWD ay hindi makukuha ng benepisaryo ang tulong para sa kanila.
Kapag naman asawa o miyembro ng pamilya ang kanilang ipapasok sa programa ay malalaman din nila dahil sa mga impormasyon na kailangang sagutin ng mga benepisaryo.










