Hindi umano titigil ang gobyerno sa paghahanap ng mga paraan upang hindi masundan ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang pagkain, ang pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kasunod ito ng ulat ng Department of Trade and Industry na walang inaasahang pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin hanggang Abril 16.
Sa pulong ng UPLIFT committee sa Malacañang, tinalakay ang kasalukuyang presyo ng mga bilihin at ipinakita ang listahan ng mga produkto mula sa mga manufacturer na nangakong hindi magtataas ng presyo hanggang Abril 16, 2026.
Bukod sa lingguhang pagmamanman ng presyo, plano rin ni Secretary Cristina Roque na muling makipagpulong sa mga food manufacturer upang matiyak na hindi tataas ang presyo ng kanilang mga produkto.
Aminado ang Malacañang na may mga pagkakataon na hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng pagkain dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Middle East, ngunit tiniyak nila na gagawin ang lahat ng hakbang upang hindi madagdagan ang pasanin ng publiko.











