
CAUAYAN CITY – Magkakaloob ng financial assistance ang DTI Isabela sa ilang maliliit na negosyong naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na lahat ng mga bayan ay may mga napiling beneficiaries para sa kanilang “Livelihood Seeding program negosyo serbisyo sa barangay.”
Ang mga magiging benepisyaryo ay ang mga maliliit na negosyanteng kinabibilangan ng mga ambulant vendors, may-ari ng mga karinderia at tindahan na sobrang naapektuhan ng COVID-19.
Nagkakahalaga ng hanggang P8,000 ang ipagkakaloob ng DTI Isabela sa mga naapektuhan ang negosyo sa COVID-19 pandemic katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Sinabi pa niya na hanggang 700 ang puntiryang bigyan ng DTI Isabela ng tulong sa lalawigan na aabot sa 30 hanggang 100 sa bawat bayan.
Aabot naman sa 1,500-2,000 na indibidwal ang bibigyan ng pamahalaang panlalawigan.
Nilinaw ni Provincial Director Singun na ang mga dapat na maging benepisyaryo ay wala pang natatanggap na tulong sa ilang ahensiya ng pamahalaan tulad ng SSS at DOLE.
Kasama rin anya ang mga OFWs at LSIs na mabibigyan ng nasabing ayuda.










