--Ads--

 Mariing tinututulan ng election watchdog na Kontra Daya ang panibagong panukalang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na nakatakda sa Nobyembre 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, sinabi nitong nakakapagtaka na tila hindi prayoridad ng pamahalaan ang BSKE, gayung ang barangay ang basic unit ng government at pangunahing nilalapitan ng mga residente para sa mga batayang serbisyo.

Ayon kay Arao, ilang beses nang sinubukang ipagpaliban ang BSKE at muling isinusulong ngayon ang postponement dahil umano sa pangangailangang magtipid ng pamahalaan.

Giit niya, hindi dapat basta ipagpaliban ang halalan dahil kailangan ng mga barangay at SK officials ng panibagong mandato. Para sa kanya, hindi maaaring manatili sa puwesto ang mga opisyal nang walang katiyakan, lalo na kung lumampas na ang kanilang itinakdang termino.

--Ads--

Partikular sa SK, sinabi ni Arao na magiging problema ang patuloy na pag-upo ng ilang opisyal na lampas na sa age limit, habang ang iba naman ay nakatuon na sa kanilang pag-aaral.

Nagbabala rin siya na maaaring magkaroon ng domino effect sa lokal at pambansang halalan kapag pinahaba ang termino ng mga barangay at SK officials, dahil maaari rin umanong hilingin ng mga mayor, vice mayor at mga mambabatas na palawigin ang kanilang panunungkulan.

Bagama’t may mga nagsasabing kailangan ng mas mahabang termino upang maging sapat ang panahon ng paglilingkod, nanindigan si Arao na hindi nakabatay sa haba ng termino ang kalidad ng serbisyo kundi sa kalidad ng pamamahala.

Dahil ilang buwan na lamang bago ang nakatakdang BSKE, nanawagan si Arao na itigil na ang mga panukalang pagpapaliban at ituon ang natitirang panahon sa paghahanda para sa halalan.

Sakaling maitulak pa rin ang postponement, sinabi niyang maaaring magsagawa ang Kontra Daya ng petition signing, paglalabas ng mga pahayag at iba pang hakbang upang mapakilos ang mas maraming mamamayan at maiparating ang kanilang pagtutol.