Posibleng makapagtala ng bagong rekord ang electronic exports ng Pilipinas ngayong taon at unang beses na lumampas sa $50 bilyon, ayon sa Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation Inc. (SEIPI).
Sinabi ni SEIPI President Danilo Lachica na itinaas nila sa 10% ang forecast growth ng industriya, mula sa naunang 5%.
Kung matutupad, aabot sa $53 bilyon hanggang $54 bilyon ang electronic exports ng bansa, mas mataas sa naitalang $49.64 bilyon noong 2025.
Ayon kay Lachica, pangunahing nagtutulak sa paglago ang lumalakas na pandaigdigang demand para sa artificial intelligence at semiconductors na ginagamit sa data centers at digital infrastructure.
Dagdag pa niya, nakatutulong din ang pagiging exempt ng Philippine electronic exports sa 12.5% taripa ng Estados Unidos, isa sa pinakamalalaking merkado ng bansa.










