--Ads--

Nasawi ang dalawang indibidwal habang nagtamo naman ng physical injuries ang apat na iba pa matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa ilog sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi niya na walong katao ang sakay ng bangka nang mangyari ang insidente, kabilang ang dalawang operator nito, habang may sakay rin itong tatlong motorsiklo.

Posible aniyang nakaapekto sa pagtaob ng bangka ang malalakas na alon at hangin sa lugar nang mangyari ang insidente.

Inabot naman ng ilang oras bago nahanap ang katawan ng isa sa mga nasawi na natagpuan mahigit-kumulang apat na kilometro mula sa pinangyarihan ng insidente.

--Ads--

Lampas tao umano ang antas ng tubig sa lugar at posibleng lumalim pa umano ito dahil sa mga pag-ulang naranasan sa lugar sa mga nakalipas na pagkakataon.

Ayon pa kay Ayungo, walang suot na life vest ang mga pasahero, na aniya ay nakasanayan na ng mga residente dahil malapit lang naman ang kanilang tinatawirang ilog.

Ito naman umano ang unang pagkakataon na may tumaob na bangka sa lugar.

Dahil sa insidente, hinikayat ni PMaj. Ayungo ang mga residente na kung maaari ay huwag nang gumamit ng bangka lalo na tuwing masama ang panahon.

Mayroon namang alternatibong daanan na maaaring gamitin. Bagama’t mas mahaba ang ruta, mas ligtas naman umano ito para sa mga residente.