--Ads--

Inaasahang ihahayag na sa susunod na linggo ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa extradition request ng Estados Unidos laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, kailangan munang pag-aralan nang mabuti ng Pangulo ang naturang kahilingan bago maglabas ng pinal na anunsiyo. Dagdag pa niya, sa mga darating na linggo ay magbibigay si Marcos ng malinaw na desisyon hinggil dito.

Nilinaw ni Castro na nakasaad sa kasunduan ng Pilipinas at Amerika ang proseso ng extradition. Dalawa ang maaaring pagpilian, ito ay kung mananatili sa bansa si Quiboloy habang dinidinig ang kaso o itigil pansamantala ang kaso rito at isailalim siya sa extradition upang maipadala sa Estados Unidos.

Gayunman, hindi pa matukoy ni Castro kung sino ang may kapangyarihang magdesisyon sa dalawang opsyon. Iginiit niya na lahat ng hakbang ay dapat dumaan sa tamang proseso at alinsunod sa umiiral na batas.

--Ads--