Isinusulong ng National Public Transport Coalition (NPTC) ang Fleet card system para sa fuel subsidy bilang mas sistematikong solusyon sa krisis na dulot ng mataas na presyo ng petrolyo.
Ayon sa NPTC, mas epektibo ang fleet card kaysa cash assistance dahil direktang gagamitin ito sa pagbili ng gasolina sa mga gasolinahan at popondohan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, ipapamahagi sa mga tsuper ang card na gagamitin sa pagpapakarga ng krudo, kung saan may itinakdang limitasyon at sasagutin na ng tsuper ang sobrang konsumo kung lalampas sa allowance.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na bagama’t may mga umiiral na programa tulad ng service contracting at fuel subsidy, nananatiling limitado ang natatanggap nilang benepisyo dahil hindi lahat ng tsuper at operator ay nasasaklaw.
Giit ng grupo, marami pa rin sa sektor ng transportasyon ang hindi nabibigyan ng ayuda dahil sa lawak ng kanilang hanay.
Ayon sa NPTC, mas pinipili nila ang fleet card system dahil masisiguro nitong sa krudo lamang napupunta ang tulong ng gobyerno at maiiwasan ang maling paggastos ng cash assistance.
Dagdag pa ng grupo, sa ganitong mekanismo ay walang dumadaloy na aktwal na pera sa kamay ng mga benepisyaryo kaya’t mas transparent at mas inklusibo umano ang benepisyo para sa buong sektor.










