--Ads--

Nakapagtala lamang ng $66.47 milyon na net inflow ang foreign portfolio investments sa Pilipinas noong Hulyo, mas mababa ng 91% kumpara sa $742.56 milyon na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Batay sa paunang datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mas mababa rin ng 60.9% ang July figure kumpara sa $170.12 milyong net inflow noong Hunyo.

Bumaba ng 4.1% ang kabuuang pumasok na foreign funds sa $2.37 bilyon, habang umakyat naman ng 33.2% ang kabuuang lumabas na pondo sa $2.3 bilyon.

Gayunman, ikatlong sunod na buwan itong nakapagtala ng net inflow.

--Ads--

Sa unang pitong buwan ng taon, umabot naman sa $3.94 bilyon ang net outflow, malaking pagbabago mula sa $2.29 bilyong net inflow sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga pondong lumabas ay mula sa government securities at shares na nakalista sa Philippine Stock Exchange o PSE.