Binigyang-diin ni Senator Sherwin Gatchalian ang pangangailangang ayusin at repormahin ang Senado kasunod ng mga kontrobersiyang nakaapekto sa imahe ng institusyon.
Ayon kay Gatchalian, naging tampok sa social media at internet ang iba’t ibang video kaugnay ng mga insidente sa Senado na nauwi sa pambabatikos, pangungutya, at paggawa ng memes, na aniya’y nagmistulang palabas o drama sa paningin ng publiko.
Sinabi ng senador na mahalagang matutukan ito ng kasalukuyang liderato o ng sinumang susunod na mamumuno upang maibalik ang respeto at kredibilidad ng Senado.
Dagdag pa niya, sa loob ng sampung taong panunungkulan bilang senador ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong uri ng sitwasyon sa kapulungan.
Inamin din ni Gatchalian na malaki ang naging epekto ng mga insidente sa dignidad at reputasyon ng Senado, lalo na matapos ang naganap na pamamaril sa loob ng gusali.
Aniya, unti-unti nang lumilinaw ang mga detalye ng insidente kaya mahalagang mailabas ang buong katotohanan at mapanagot ang mga may pananagutan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mas mahigpit na hakbang upang matiyak na hindi na mauulit ang kahalintulad na pangyayari at mapangalagaan ang integridad ng Senado.
Samantala, kabilang si Gatchalian sa mga pangalang napipisil na maging susunod na Senate President dahil sa umano’y kakayahan nitong pag-isahin ang ilang miyembro ng majority bloc at maging ang buong minority bloc.
Ilan ding senador ang nagpahayag ng suporta at kumpiyansa sa kakayahan ni Gatchalian na mamuno sa Mataas na Kapulungan.











