Arestado ang isang government employee matapos mahulihan ng tinatayang walong gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Santa Rosa, Bayombong nitong Abril 30, 2026.
Ang suspek ay itinago sa alyas na “Jed,” 35 taong gulang, residente ng Barangay Bonfal West, Bayombong at itinuturing na High Value Individual ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Pinangunahan ang operasyon ng PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 2, katuwang ang PDEA Nueva Vizcaya, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Team, at Bayombong Municipal Police Station.
Ayon sa ulat, nasamsam mula sa suspek ang tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang walong gramo, na may Standard Drug Price na ₱54,400.00. Narekober din ang buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱25,000, gayundin ang isang motorsiklo at iba pang kagamitan na ginamit umano sa transaksyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon, habang isusumite naman sa Regional Forensic Unit 2 sa Santiago City, Isabela ang mga nakumpiskang droga para sa laboratory examination. Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











