Binasag na ng aktres na si Gretchen Barretto ang katahimikan kaugnay sa pagkakadawit sa kaniya sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Isang araw yan matapos sabihin ng Department of Justice (DOJ) na isa na siya sa itinuturing na suspek sa kaso makaraang pangalanan ni Julie Patidongan o alyas ‘Totoy’.
Sa isang pahayag sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Alma Mallonga, sinabi nitong isa lamang investor si Barretto at wala siyang kinalaman sa operasyon.
Mariin ding itinanggi ng aktres ang mga alegasyon na base lamang umano sa haka-haka at mga paratang.
Ayon pa kay Barretto, minsan na siyang pinagtangkaang kikilan kapalit ng pag-alis sa kaniyang pangalan sa listahan.
Pero hindi raw siya nagbayad dahil wala naman umano siyang kinalaman sa pagkawala ng mga ito.
Hinihintay na lang ng kampo ng aktres ang resulta ng imbestigasyon at nakahanda rin naman daw silang makipagtulungan sa mga awtoridad.
Una nang nanawagan si Alyas ‘Totoy’ sa aktres na makipagtulungan sa kaniya dahil 100 percent daw itong may nalalaman sa kaso.