--Ads--

Patuloy ang pagpapalawak ng Pamahalaang Lungsod ng Santiago sa digitalisasyon ng kanilang mga serbisyo sa pamamagitan ng Kaisaka App.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Alyssa Sheena Tan-Dy na umabot na sa 2,700 residente ng Santiago City ang gumagamit ng naturang application na layong gawing mas mabilis, madali, at accessible ang paghahatid ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa alkalde, mas dumami pa ang nag-download at nag-install ng app matapos ianunsyo ang mga nanalo sa isinasagawang programa ng lungsod para sa mga gumagamit nito.

Paliwanag pa ni Mayor Tan-Dy, mahalagang makaangkop ang mga mamamayan sa makabagong teknolohiya at sa patuloy na modernisasyon ng serbisyo publiko upang mas mapadali ang transaksyon sa pamahalaan.

--Ads--

Sa pamamagitan ng Kaisaka App, inaasahang mas mapapalapit pa ang LGU sa mga residente at mas magiging episyente ang pagbibigay ng iba’t ibang serbisyo ng lokal na pamahalaan.