Pormal nang isinagawa ng Department of Social Welfare and Development Region 2 ang groundbreaking ceremony para sa itatayong regional warehouse sa Cauayan City na magsisilbing imbakan ng relief supplies para sa buong Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nito na ipinatutupad ang proyekto sa pamamagitan ng lease agreement kasama ang pamahalaang lungsod ng Cauayan kung saan ipagagamit ng lokal na pamahalaan ang lote sa loob ng 25 taon.
Ayon kay Alan, nasa halos ₱25 milyon ang halaga ng proyekto at itatayo ang warehouse sa isang 1,000 square meter na lugar na magsisilbing imbakan ng mga non-food items at iba pang relief supplies para sa buong rehiyon, partikular na sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Inaasahan namang matatapos ang konstruksyon bago matapos ang taon o sa unang bahagi ng susunod na taon dahil sa lawak ng naturang pasilidad.
Sinabi rin ng Regional Director na malaking tulong ang warehouse lalo na sa panahon ng kalamidad dahil mas mapapabilis ang distribusyon ng relief goods sa mga apektadong lugar.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na nagpapatuloy pa ang iba’t ibang assistance program ng DSWD kabilang ang emergency cash transfer sa Cagayan at payout para sa mga tsuper ng tricycle under cash assistance program ng ahensya.
Nanawagan naman siya sa mga benepisyaryo, partikular sa mga tricycle driver, na tiyaking kumpleto ang kanilang dokumento at beripikado ang kanilang pangalan upang maiwasan ang aberya sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon naman kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na malaking tulong para sa buong Region 2 ang pagtatayo ng regional warehouse sa lungsod dahil nasa gitnang bahagi ng rehiyon ang Cauayan City kaya magiging mas mabilis ang pagresponde at distribusyon ng ayuda sa oras ng sakuna.
Ayon kay Mayor Dy, collaborative effort ang proyekto sa pagitan ng city government at DSWD Region 2 kung saan naglaan ng lote ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng usufruct agreement habang ang pondo para sa imprastraktura.
Sinabi rin ng alkalde na itatayo ang pasilidad sa bahagi ng Barangay Cabaruan malapit sa CSWD Office, PNP at terminal area ng lungsod upang maging sentralisadong imbakan ng relief goods ng DSWD sa Region 2.











