--Ads--

Tutol ang ilang malalaking grupo ng negosyante sa inihaing Anti-Political Dynasty Bill sa Kamara nina House Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos.

Ayon kay Rafael Apa Ongpin, Executive Director ng Makati Business Club, may malaking problema sa House Bill No. 6771, partikular sa kahulugan ng dynasty. Aniya, ang kahirapan ay nasa depinisyon ng dynasty.

Sa kanilang paniniwala, dapat ito ay hanggang 4th degree ng affinity. Hindi umano nila sinasabing masama ang political dynasties, ngunit ang problema ay nagagamit ito nang sistematiko upang magkaroon ng monopolyo, lalo na sa lokal na politika, lokal na pamahalaan, at Kongreso.

Para sa kanila, kailangan ng isang malakas na Anti-Dynasty Law na tunay na magpapatigil sa sunud-sunod na pamumuno ng iisang pamilya.

--Ads--

Sa mga naihaing panukala sa Kongreso, mas tinatanggap nila ang panukala ni Sen. Risa Hontiveros dahil malinaw ang sakop at depinisyon. Ayon sa kanila, mas angkop ang panukala na nagtatakda ng hanggang ika-apat na antas ng kamag-anakan.

Dagdag pa niya, dapat ding ipatupad ang term limit pagdating sa succession. Hindi dapat payagan na ang mga miyembro ng pamilya ay magpalit-palit sa parehong posisyon nang sunud-sunod. Kapag naabot na ang term limit, hindi puwedeng pumalit ang kapamilya; ito ang pangunahing layunin ng batas laban sa political dynasty.

Binigyang halimbawa ang sitwasyon kung saan ang mag-asawa ay nagpapalitan sa posisyon ng mayor at kongresista. Kapag umabot na ang term limit, hindi puwedeng magpatuloy ang parehong pamilya sa parehong posisyon sa pamamagitan ng pagpalit ng miyembro ng pamilya.

Dapat sugpuin ang ganitong uri ng sunud-sunod na pamumuno upang matiyak ang patas na oportunidad sa politika at maiwasan ang monopolyo ng iisang pamilya sa kapangyarihan.