--Ads--

Muling magsasagawa ng serye ng kilos-protesta ang grupong PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide upang kundenahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, sinabi niya na ito ay sisimulan bukas sa Metro Manila pangunahin sa mga terminal, pamilihang bayan, at mga rutang dinadaanan ng mga pampublikong transportasyon.

Aniya, masyadong mabagal ang pamahalaan sa pagresolba sa naturang problema dahil hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong hakbang upang maibsan ang pasanin ng publiko dahil sa mahal na presyo ng petrolyo.

Binigyang-diin ito na kailangang madaliin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng excutive order na magsususpinde sa Oil Deregulation Law at Excise Tax ng langis upang maibsan ang pasanin ng publiko na patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

--Ads--

Dahil sa mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa isyung ito ay marami nang mga tsuper at operator ang nagdesisyon na hindi na mamasada at pinili na lamang na maghanap ng aleternatibong pagkakakitaan upang makaraos.