--Ads--

Itinaas ng isang appeals court sa South Korea ang hatol na pagkakakulong kay dating Pangulong Yoon Suk Yeol sa pitong taon kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa kanyang panandaliang deklarasyon ng martial law noong 2024.

Sa desisyon ng Seoul High Court nitong Miyerkules, napatunayang guilty si Yoon sa mas marami pang kaso kumpara sa unang hatol ng lower court noong Enero, kung saan siya ay sinentensiyahan ng limang taong pagkakakulong. Kabilang sa mga bagong napatunayang akusasyon ang paggamit ng presidential security service upang pigilan ang pag-aresto sa kanya ng mga awtoridad.

Ayon sa hukom, sa pagtatangkang pigilan ang pagpapatupad ng arrest warrant sa pamamagitan ng puwersa, gumawa si Yoon ng mga kilos na hindi katanggap-tanggap sa isang lipunang pinaiiral ang batas at kaayusan.

Natuklasan din ng korte na nagkasala siya sa falsification ng mga opisyal na dokumento at sa hindi pagsunod sa legal na proseso ng deklarasyon ng martial law, na dapat ay dumaan sa pormal na cabinet meeting.

--Ads--

Ang naturang desisyon, na kauna-unahan mula sa espesyal na korte na itinatag para sa mga kasong may kaugnayan sa martial law, ay ipinalabas sa telebisyon.

Humiling ang prosekusyon ng 10-taong sentensiya, iginiit na nilabag ni Yoon ang tiwala ng publiko, sinira ang constitutional order, at ginamit ang mga pondo at kapangyarihan ng estado para sa personal na layunin.

Ipinahayag naman ng kampo ni Yoon na iaapela nila ang desisyon sa Supreme Court at sinasabing mali ang naging interpretasyon ng korte sa mga pangyayari.

Matatandaang si Yoon, na dating prosecutor, ay in-impeach at tinanggal sa puwesto noong nakaraang taon. Siya rin ay nahaharap sa iba pang kaso at nananatiling nakakulong mula noong Hulyo.

Mariing itinanggi ni Yoon ang lahat ng paratang laban sa kanya.