--Ads--

Aabot sa mahigit 15,000 mangingisda sa Region 2 ang target mabigyan ng tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Sa talakayan ng BFAR Region 2, sinabi ni Dr. Evelyn C. Ame, Chief ng RFT and FCD, na kabilang sa ibinibigay na tulong ang fuel assistance para sa mga may motorized bangka at presidential assistance na para naman sa parehong motorized at non-motorized na mangingisda. Sa kasalukuyan, mahigit 3,300 benepisyaryo na ang nabigyan ng fuel aid na nagkakahalaga ng ₱3,000 kada isa, habang hinihintay pa ang pondo para sa presidential assistance na aabot naman sa ₱2,325 bawat recipient.

Ayon kay Dr. Ame, malaki ang epekto ng mataas na presyo ng diesel sa sektor ng pangingisda dahil maraming mangingisda ang hindi na makapalaot o kaya’y hindi na nakakarating sa mas malalayong lugar kung saan mas marami ang huli. Dahil dito, bumababa rin ang fish production sa rehiyon. Isa rin sa hiling ng mga mangingisda ang pagtatayo ng mga “payao” upang mapalapit ang kanilang panghuhulihan ng isda at mabawasan ang gastos sa gasolina.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Atty. Ronaldo R. Libunao ang chief naman ng FP AND SSD ng BFAR Region 2, na patuloy din ang pagbibigay ng iba pang suporta tulad ng cold chain facilities at technology demonstration projects. Kabilang dito ang pamamahagi ng mga freezer, fish smoking at fish trading equipment na nagkakahalaga ng hanggang kalahating milyong piso kada proyekto, pati na rin ang mga mobile fish vending package na may kasamang chilling tanks at kagamitan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱120,000.

--Ads--

Dagdag pa ng BFAR, target din nilang magsagawa ng susunod na distribution ng ayuda sa Calayan, Cagayan ngayong Mayo bilang bahagi ng kanilang techno caravan upang mas maabot ang mga mangingisdang nasa malalayong lugar.