Pinagtibay ng House Committee on Justice na sapat ang nilalaman o sufficient in substance ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte para ituloy ang proseso, na may 54 botong pabor at 1 no vote at walang abstentions.
Ang dalawang reklamo ay kabilang sa huling mga impeachment petition na patuloy na sinusuri. Ang komite ay nagdeklara na sufficient in form ang mga ito habang ang unang reklamo ay naset aside dahil sa one-year bar rule, at ang ikalawa ay binawi ng mga naghain.
Kabilang sa mga pinagtutuunan ng pansin ang umano’y di-wastong paggamit ng confidential funds at mga pahayag ni Duterte na naglalaman ng mga banta na patayin ang ilang mataas na opisyal, kabilang ang Pangulo, Unang Ginang, at dating Speaker ng Kamara na tinuturing ng ilan sa panel bilang seryosong isyu at posibleng betrayal of public trust.
Ayon kay Rep. Gerville Luistro, chair ng House Justice Committee, ang mga banta mula sa mga top official ay hindi basta imahinasyon lamang at may bigat dahil sa kanilang posisyon.
Ang susunod na hakbang ay ang pagpapadala ng notice kay Duterte upang makapaghain siya ng kanyang sagot sa loob ng itinakdang panahon bago tuluyang magpatuloy ang deliberasyon at posibleng impeachment hearings.











