
CAUAYAN CITY – Dumating na ang mga tagasiyasat para alamin kung human factor o material factor ang dahilan ng pagbagsak at pagliyab ng huey helicopter na ikinasawi ng apat at malubhang pagkasugat ng isa pa.
Kahapon ay dinala na sa Clark Airbase sa Pampanga sakay ng transport plane ang apat na nasawi.
Kahapon nang ilabas ng pamunuan ng Tactical Operations Group 2 Philippine Air Force ang pangalan ng apat na nasawi at isang nakaligtas.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Augusto Padua, Commander ng Tactical Operations Group 2 Phil. Airforce, kinilala nito ang mga nasawi na sina Major Christopher Caesar Urbano, ang piloto na residente ng Lingayen, Pangasinan; ang kanyang co-pilot na si Capt. Feorelio Bernardo na residente ng Naga City, ang observer na si 1st Lt. Mike Tuesday Tabigne, residente ng Butuan City, Agusan del Norte, isang crew na si Staff Sgt. John Christopher Taguiam ng Cabanatuan City, Nueva Ecija at ang nakaligtas na si Airman 1st Class Jerry Aviles Jr., residente ng Floridablanca, Pampanga.
Ang nakaligtas na si Airman 1st Class Aviles ay nakatakdng dalhin sa V. Luna Hospital sa Quezon City.

Inihayag pa ni Col. Padua na hindi nila inilabas ang pangalan ng mga biktima dahil kinakailangan munang ipaalam sa kani-kanilang pamilya.
Samantala sinabi pa ni Col. Padua na sunog na sunog ang helicopter dahil carbon fiber ang structure nito bukod pa sa marami pa ang fuel dahil palipad pa lamang ang helicopter.










