Ipinahayag ng ilang tricycle drivers sa Santiago City ang kanilang pagkadismaya matapos na umano’y hindi makatanggap ng ₱5,000 cash assistance mula sa DSWD.
Ayon kay Ginoong Rolando Visera, isang tricycle operator at driver, ilang beses siyang nagtungo sa tanggapan ng lokal na pamahalaan upang mag-follow up ng kanyang aplikasyon, ngunit sa araw ng pamamahagi ay hindi pa rin siya kabilang sa listahan ng mga benepisyaryo.
Ipinaliwanag niya na nakapangalan sa kanyang asawa ang isa nilang tricycle sa masterlist, ngunit hindi ito nakapag-claim ng ayuda dahil wala siyang lisensya, samantalang siya na aktwal na nagmamaneho ay hindi rin nakalista.
Ibinahagi naman ni Ginoong Rodel Alop na hindi rin lumabas ang kanyang pangalan sa masterlist kahit kumpleto ang mga dokumentong kanilang isinumite. Ayon sa kanya, napakahalaga ng naturang ayuda upang matulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na gastusin, lalo na at tumataas ang presyo ng gasolina at maintenance ng kanilang mga sasakyan.
Samantala, ayon sa ilang opisyal ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), nai-submit na nila ang listahan ng mga hindi nakatanggap ng ayuda sa mga kinauukulang tanggapan.
Paliwanag ng lokal na pamahalaan, ang pamamahagi ng cash assistance ay nakabatay sa opisyal na masterlist at sa mga kwalipikasyong itinakda ng programa. Posible umano na may mga hindi nagtugmang detalye sa ilang pangalan kaya patuloy pa ang isinasagawang beripikasyon upang matiyak ang katumpakan ng listahan.
Dagdag ng mga opisyal ng TODA, inaasahan nila ang susunod na yugto o second wave ng pamamahagi, kung saan maaaring maisama na ang mga wala sa unang listahan, depende sa resulta ng pagsusuri ng mga dokumento. Gayunpaman, wala pang tiyak na petsa kung kailan ito isasagawa.
Sa ngayon, umaasa pa rin ang mga tricycle drivers na maaayos ang listahan at mabibigyan sila ng pagkakataong makatanggap ng tulong. Tiniyak naman ng mga opisyal na patuloy nilang aayusin ang proseso upang matiyak ang maayos at patas na distribusyon ng ayuda.











