Nilinaw ng Kasibu Police Station na nananatili silang neutral at walang pinapanigan sa pagitan ng mga anti-mining group at mining company na nagsasagawa ng exploration activities sa Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Lloyd Guillermo, Chief of Police ng Kasibu Police Station, sinabi nitong pangunahing tungkulin lamang ng kanilang tanggapan ang pagpapanatili ng peace and order at public safety sa lugar.
Ayon kay Guillermo, bahagi ng kanilang police response ang naging tensyon sa pagitan ng mga pulis at anti-mining group kamakailan matapos silang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na humihingi ng police assistance.
Aniya, ito rin ang naging basehan ng kanilang pag-aresto sa ilang indibidwal matapos umano nilang subukang makipagdayalogo at ipaliwanag nang maayos sa mga nagbabarikada ang maaaring kaharapin nilang legal consequences.
Sa kabuuan, 11 indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na insidente. Ang mga naaresto noong Agosto 19 ay kinasuhan umano ng grave coercion at disobedience to authority.
Giit ni Guillermo, bago isinagawa ang mga pag-aresto ay matagal nilang ipinaliwanag sa mga nagbabarikada ang maaaring maging epekto ng kanilang ginagawa, lalo na umano nang harangan nila ang ilang sasakyan na dumadaan sa lugar at hindi lamang ang mga sasakyang may kaugnayan sa mining company.
Tugon naman sa iginiit ng anti-mining group na pribadong pag-aari ang lugar, sinabi ni Guillermo na ang kalsadang pinaglagyan ng barikada ay bahagi ng municipal road, batay umano sa sertipikasyon ng local chief executive.
Samantala, kaugnay ng posibilidad na magsampa ng kaso ang anti-mining group laban sa mga pulis, sinabi ni Guillermo na karapatan ng grupo na gumawa ng kaukulang legal na hakbang.
Aniya, handa silang harapin at sagutin ang anumang reklamong maaaring ihain laban sa kanila, kasabay ng paggiit na nirerespeto nila ang karapatan ng mga residente.
Hiling lamang ni Guillermo na sana ay igalang din ng mga nagbabarikada ang karapatan ng ibang mga taong gumagamit ng naturang kalsada.











