Pinag-aaralan na ng isang anti-mining group sa Nueva Vizcaya ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga pulis na sangkot sa naganap na komosyon sa isang barikada laban sa mining exploration sa bayan ng Kasibu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino “Bro Tinong” Daynos, lider ng anti-mining group, sinabi nitong magsasagawa sila ng case conference upang talakayin ang mga legal na hakbang na maaaring isagawa laban sa mga kapulisan kaugnay ng insidente noong Agosto 27.
Ayon kay Daynos, nagsagawa muna ng misa ang mga residente sa lugar ng barikada na itinayo upang pigilan ang pagpasok ng mga kagamitan at tauhan ng mining company na nagsasagawa ng exploration. Gayunman, kinahapunan ay nakatanggap umano sila ng impormasyon na may malaking bilang ng mga pulis na aakyat sa lugar.
Dahil dito, agad nilang inalerto ang mga residente upang magtungo sa barikada. Kalaunan ay dumating umano ang mga pulis na nag-eescort sa tatlong sasakyan ng mining company na may dalang krudo para sa exploration activities.
Sinabi ni Daynos na ipinaliwanag naman ng ground commander ng pulisya na tumutugon lamang sila sa hiling ng mining company para sa police assistance. Gayunman, iginiit niya na dapat ding maprotektahan ng mga awtoridad ang mga residente at hindi lamang ang interes ng kumpanya.
Sa kasalukuyan, nasa 11 katao umano ang nakakulong habang dalawa naman ang nananatili sa ospital matapos ang insidente.
Iginiit pa ni Daynos na walang ipinakitang court order ang mga pulis para sa kanilang pagpasok sa lugar at ilan sa mga ito ay mula pa sa ibang himpilan. Tinatayang mahigit 500 residente ang nagtipon sa barikada at umabot hanggang gabi ang tensyon sa pagitan ng mga residente at mga awtoridad.
Dahil dito, pinag-aaralan ng kanilang grupo ang pagsasampa ng iba’t ibang kaso laban sa mga pulis na sangkot sa operasyon lalo’t private property ang ang lugar at may karapatan ang mga residente na hadlangan ang pagpasok ng mga may kaugnayan sa pagmimina.
Samantala, muling kinuwestiyon ni Daynos ang proseso ng pagkuha ng permit ng naturang mining company. Aniya, nananatiling malaking usapin kung nagkaroon ba ng sapat na konsultasyon sa mga apektadong komunidad bago ito nabigyan ng pahintulot na magsagawa ng exploration sa lugar.











