--Ads--

Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Tumauini, Isabela laban sa mga indibidwal na patuloy na lumalahok sa illegal drag racing sa bypass road ng Brgy. San Pedro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Christopher Uy, sinabi niya na maraming paglabag ang naitatala sa mga isinasagawang karera sa lugar, kabilang ang reckless driving at pagsasagawa ng mga delikadong stunt na naglalagay sa panganib sa mga motorista at residente.

Ayon sa kanya, kahit nagpapatrulya ang Tumauini Police Station, hindi pa rin ito natitigil dahil bumabalik ang mga kalahok matapos umalis ang mga awtoridad upang muling magsagawa ng karera.

Ilan sa mga natukoy na sangkot ay mula pa sa Ilagan City at mga karatig-bayan, na nagdudulot ng mas malaking pangamba sa mga dumadaan sa naturang kalsada.

--Ads--

Bunsod nito, bumuo na ng oversight committee ang lokal na pamahalaan upang pag-aralan ang sitwasyon at maglatag ng mas mahigpit na mga hakbang, kabilang ang posibleng pagpapalakas ng police visibility at koordinasyon sa mga barangay.

Inaasahang iimbitahan din ang Philippine National Police (PNP) upang pagtibayin ang mga hakbang at mas epektibong masugpo ang ilegal na karera sa lugar.

Giit ni Vice Mayor Uy, hindi dapat maging “ningas kugon” ang pagtugon ng pamahalaan at PNP, at kailangan ang tuloy-tuloy at mahigpit na pagpapatupad ng batas upang matigil ang ilegal na drag racing na patuloy na banta sa kaligtasan ng publiko.