--Ads--

Iginiit ng isang mambabatas na kung ebidensya ang pagbabasehan ay sigurado nang impeached si VP Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, sinabi niya na maraming ebidensya ang inilatag kaugnay ng mga kontrobersiyang kinahaharap ng bise presidente, kabilang ang umano’y kwestyonableng paggamit ng confidential funds at iba pang alegasyon na sinuri ng House Committee on Justice.

Ayon sa mambabatas, dumaan sa masusing pagbusisi ng komite ang mga dokumento, testimonya, at iba pang ebidensyang iniharap laban kay Duterte bago umusad ang impeachment complaint.

Kabilang sa mga alegasyong nakasaad sa reklamong impeachment ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang kalihim nito, pati na rin ang isyu ng accountability at transparency sa paggastos ng pondo ng gobyerno at ang kill threat nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

--Ads--

Sinabi rin ni Ridon na ang magiging desisyon ng Senado bilang impeachment court ay nakasalalay sa lakas ng ebidensyang maipiprisinta sa paglilitis.

Gayunman, naniniwala siya na sapat ang mga impormasyong lumabas upang magkaroon ng matibay na batayan ang kaso laban sa bise presidente.