Nanindigan si Vice President Sara Duterte nitong Martes, Hulyo 14, na walang sapat na ebidensya upang patunayan ang mga paratang na nakapaloob sa impeachment complaint laban sa kanya.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Duterte na ipinakita umano ng ikaapat na araw ng impeachment trial ang matagal na niyang posisyon na hindi suportado ng mga katotohanan ang mga alegasyong inihain laban sa kanya.
Ayon sa bise presidente, ang paulit-ulit na pag-uugnay sa kanya sa mga umano’y pagbabanta, paglikha ng mga salaysay na wala umanong matibay na batayan, at paggamit ng mga alegasyong hindi napapatunayan ay nakasisira sa kredibilidad ng mga institusyon, nagpapahina sa tiwala ng publiko, nagsasayang ng pondo ng bayan, at nakaaapekto sa paghahanap ng katotohanan.
Iginiit din niya na ang impeachment proceedings ay dapat nakabatay sa mapagkakatiwalaang ebidensya at hindi sa mga haka-haka, ginawang salaysay, o mga paratang na walang sapat na batayan.
Sa ikaapat na araw ng impeachment trial noong Lunes, muling tinalakay ang ikaapat na article of impeachment na may kaugnayan sa umano’y pahayag ni Duterte tungkol sa pagpapapatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.
Ang naturang isyu ay nag-ugat sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 kung saan nabanggit ng bise presidente na mayroon siyang nakausap na tao at nagbigay ng tagubilin kaugnay sa tatlong opisyal kung siya ay mapatay.











