--Ads--

Inirereklamo ng mga opisyal ng Barangay Minante 2, Cauayan City ang kalagayan ng bagong gawang farm-to-market road sa kanilang lugar na ngayon ay lubak-lubak na kahit wala pang isang taon simula nang matapos ang konstruksyon nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Saturnino Aggarao Jr., ng barangay Minante 2, sinabi niya na noong nakaraang taon lamang ang ginawa ang naturang daan subalit agad na nasira na marahil ay dahil umano sa hindi maayos na pagkakagawa.

Aniya, tinatayang nasa walo hanggang siyam na buwan pa lamang ang nasabing kalsada ngunit kapansin-pansin na ng ilang mga bitak at lubak-lubak na bahagi nito.

Ilang beses na umano niyang idinulog ang isyu sa mga kinauukulan upang agaran itong matugunan subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring naibibigay na konkretong aksyon hinggil sa kanilang hinaing.

--Ads--

Dahil sa kondisyon ng kalsada ay naaapektuhan na rin aniya ang kabuhayan ng ilang mg residente partikular ang mga magsasaka sa lugar na dumadaan sa naturang kalsada.

Ayon sa Punong Barangay, dati ay nagagamit pa ng mga magsasaka ang kalsada na pagbilaran ng aning palay subalit dahil sa kasalukuyang kondisyon nito ay hindi na umano ito magamit sa pagbibilad.