
CAUAYAN CITY – Balik na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lalawigan ng Isabela.
Matatandaang isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang lalawigan noong December 15 hanggang 30 dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Rodito Albano na balik na sa MGCQ ang Isabela matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanyang hiling noong December 31 na ibalik na sa MGCQ ang lalawigan.
Magtatagal ito hanggang sa katapusan ng Enero pero kung magbabago ang naitatalang kaso at tataas ay puwedeng ibalik ulit sa GCQ ang lalawigan.
Kasama naman ng Isabela ang Iloilo City na naibalik sa MGCQ.
Kasabay nito ay nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagbabalik ng operasyon ng mga provincial buses.
Ayon sa gobernador, kapag pinayagan ay magiging istrikto pa rin ang lalawigan at puwede pa ring magpatupad ng lockdown sa mga makakapagtala ng kaso ng COVID-19.










