--Ads--

Aminado ang mga atleta mula sa Delfin Albano na labis ang kanilang pagkadismaya matapos mabigong makapasok sa Palarong Pambansa sa kabila ng inaasahang pagkakasungkit nila ng slot bilang qualifier.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nowitzki Aivan Medrano, football player qualifier ng Palarong Pambansa, ibinahagi nito na sariwa pa ang kanilang tagumpay nang bigla nilang matanggap ang balitang hindi sila makakasali sa pambansang kompetisyon.

Aniya, nagulat sila at nakaramdam ng lungkot dahil inakala nilang sigurado na ang kanilang pwesto.

Gayunman, iginiit nito na pinili pa rin nilang panatilihin ang respeto sa isa’t isa sa kabila ng kanilang pinagdaraanan. Dagdag nito, pansamantalang tumigil ng isang linggo sa ensayo ang kanilang koponan upang makapagpahinga, subalit agad din silang bumalik sa training matapos nito. Kahit aniya masakit pa rin ang nangyari, ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang paghahanda bilang mga atleta.

--Ads--

Umaasa naman si Medrano na muling ikonsidera ng mga kinauukulan ang kanilang kaso upang mabigyan sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan sa Palarong Pambansa. Nagbigay rin siya ng mensahe sa kapwa atleta na huwag agad panghinaan ng loob sa kabila ng mga pagsubok, at patuloy na ipaglaban ang kanilang mga pangarap.

Samantala, inilahad ni School Head Peter Batarao ng Delfin Albano na una nilang kinumpirma ang impormasyon sa Division Sports Office bago ito ipinaalam sa lokal na pamahalaan at sa mga atleta. Ayon sa kanya, malaking dagok ito sa mga manlalaro na umaasang makakalaro sa pambansang kompetisyon, lalo’t nauna na nilang naibahagi ang magandang balita ng kanilang pagkapanalo. Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang kakulangan sa budget, kung saan tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱30,000 ang gastusin kada atleta para sa naturang kompetisyon.

Dagdag pa ng school head, bagama’t hindi malinaw ang lahat ng dahilan ng pagkakatanggal, may mga ulat na hindi umano naabot ang ilang pamantayan at limitasyon sa bilang ng mga atletang ipadadala.

Sa kabila nito, tiniyak niya na hindi nila hahayaan na panghinaan ng loob ang mga estudyante at patuloy silang hihikayatin na ipagpatuloy ang kanilang pagsasanay at abutin ang kanilang mga pangarap sa larangan ng sports.

Sa panayam naman kay Coach Christian Jake Respicio ng nasabing team, iginiit nitong malinaw sa kanilang natanggap na impormasyon mula sa Division Sports Office at mga regional officials na walang ipapadalang football secondary team ng Isabela sa Palarong Pambansa ngayong taon.

Aniya, ang pangunahing dahilan na ipinarating sa kanila ay ang budget constraint, kung saan napakalaki ng kailangang gastusin sa bawat atleta kabilang na ang pamasahe, pagkain, uniform, at iba pang tournament expenses.

Dagdag pa ni Respicio, maging ang mga magulang at school officials ay agad na nagkaroon ng pagpupulong upang pag-usapan ang posibleng alternatibong suporta para sa mga atleta.

Sa kabila ng hindi paglahok, umaasa ang coaching staff na magsisilbing inspirasyon pa rin ang karanasan ng mga atleta upang lalo pang paghusayin ang kanilang kakayahan.

Samantala, nagbigay naman ng mensahe si Sangguniang Bayan Member Ellijohn Galingana Cañero ng Delfin Albano para sa mga atleta. Aniya, sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng Delfin Albano Footballeros na kumatawan sa Team Isabela, huwag sanang hayaang mawala ang pag-asa dahil ang pagsubok na ito ay hindi katapusan ng laban kundi bahagi lamang ng mas mahabang paglalakbay.

Giit pa ng opisyal, hindi dapat maging dahilan ang nangyari upang panghinaan ng loob o tumigil sa paglalaro ang mga atleta, dahil ang hindi pagkakasama sa Palarong Pambansa ay hindi nangangahulugang dito na nagtatapos ang kanilang mga pangarap. May mas malaking oportunidad pa umanong naghihintay sa tamang panahon.