CAUAYAN CITY – Hindi sang-ayon ang pamunuan ng Isabela Overseas Filipino Workers (OFW) Federation sa hakbang ng PhilHealth na taasaan ang PhilHealth premium ng mga OFWs.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Edgar Pambid, pangulo ng Isabela OFW Federation, sinabi niya na hindi napapanahon ang hakbang na ito ng PhilHealth dahil makakadagdag pa ito sa mga pasan ng mga OFWs.
Aniya, nasa krisis pa lamang ang bansa gayundin ang buong mundo kaya lahat ay apektado.
Malaki aniya ang 3% na kaltas sa kanilang sahod.
Ayon kay G. Pambid, nagsagawa siya ng survey sa mga OFWs at karamihan sa kanila ay hindi sang-ayon sa hakbang na ito ng PhilHealth.
Ayon umano sa mga ito, hindi naman nila ito nagagamit habang sila ay nasa ibang bansa.
Hiling niya ngayon sa pamahalaan na busisiin at pag-aralang mabuti ang health law sa bansa kapag natapos na ang krisis tungkol sa coronavirus disease (COVID-19).











