--Ads--

Ipinagmalaki ni Isabela Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy ang ilang programa at proyekto sa lalawigan, kabilang ang mga bagong pasilidad sa Ilagan City, lalo na ang MRI facility at City College.

Ayon sa Bise Governador, malaking tulong ang MRI facility dahil mas mapapalapit sa mga Isabeleño ang access sa advanced diagnostic services, habang makatutulong naman ang City College sa mga estudyanteng nais makapag-aral nang hindi na kailangang pumunta sa Baguio o Metro Manila.

Samantala, sinabi ni Vice Governor Dy na tuloy-tuloy ang monthly rice distribution program ng Kapitolyo para sa mga sektor na itinuturing na nangangailangan ng karagdagang suporta. Kabilang sa mga benepisyaryo ang tricycle drivers, solo parents, PWDs, former rebel returnees, kalesa drivers, fisherfolk, tobacco farmers, garbage collectors, barangay officials, BNS, BHW, daycare workers at barangay tanod. Para naman sa mga nais maisama sa programa, maaari umanong makipag-ugnayan sa DSWD upang maiproseso ang kanilang pangalan bilang posibleng benepisyaryo.

Binanggit din niya ang Sagip Mata, Sagip Buhay Program, kung saan 103 benepisyaryo ang natulungan noong nakaraang linggo sa pamamagitan ng eye services sa mga medical center sa Santiago City. Hinikayat niya ang mga nais makinabang sa programa na magtanong sa kanilang tanggapan upang malaman ang requirements at proseso ng pag-avail nito.

--Ads--

Sa usapin naman ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, sinabi ni Dy na nasa Kongreso pa ang usapin hinggil sa posibleng postponement o pagbabago sa iskedyul ng halalan at kailangan pa itong dumaan sa kaukulang proseso bago maging batas. Aniya, anuman ang magiging desisyon, mahalagang ipagpatuloy ng mga kasalukuyang opisyal ang kanilang trabaho at serbisyo sa publiko.

Samantala, nanawagan ang opisyal sa mga hog raisers na paigtingin ang biosecurity measures laban sa African Swine Fever o ASF.

Binigyang-diin niya na mahalagang agad ireport ng mga nag-aalaga ng baboy ang anumang senyales ng sakit at huwag itong itago upang agad na maaksyunan at maiwasang kumalat ang ASF sa iba pang alagang baboy at mga lugar.