--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpasalamat ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa utos na boluntaryo na lamang ang pagbibigay ng kontribusyon sa PhilHealth ng mga OFWs.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lei Barrameda, OFW sa Oman, sinabi niya na saludo siya sa pangulo sa mabilisang hakbang nito na sa halip na mandatory ay ginawa na lamang nitong boluntaryo ang 3% na buwanang premium ng mga OFWs.

Aniya, nang malaman niya ang pagtaas ng PhilHealth sa kanilang buwanang kontribusyon ay nabigla siya at ipinakalat niya ito sa mga kapwa niya Pinoy sa ibang bansa.

Sinabi pa niyA na ang mga OFWs ay walang pera dahil halos lahat ay ipinapadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas kaya naman natitiyak niyang lahat ng mga OFWs ay hindi sang-ayon sa hakbang na ito ng PhilHealth.

--Ads--

Dagdag pa nito na pasakit lamang ito sa kanila na nagtitiis na mapalayo sa kanilang pamilya.

Isa pa aniya ay hindi nila ito kailangan dahil may insurance sila sa ibang bansa at kung para naman sa kanilang benepisaryo dito sa Pilipinas ay sigurado namang may PhilHealth din ang karamihan sa kanilang pamilya.

Nakiusap pa siya sa pangulo na ibasura na lamang ang hakbang na ito ng PhilHealth.

Tinig ni Lei Barrameda.