CAUAYAN CITY – Nagtala ang Isabela State University (ISU) Ilagan City Campus ng kauna-unahang 100% Institutional Passing Rate sa katatapos na 2022 Registered Master Electrician Licensure Examination.
Pasok din ang kanilang 4 na mag-aaral sa TOP 10 at nakakuha ng 63.18 National Passing rate.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Executive Director Cholo Simon ng ISU-Ilagan na malaking karangalan ang kanilang na-produce na apat na national topnotcher sa Registered Master Electrician Licensure Examination.
Kasama sa top 10 ng isinagawang 2022 Registered Master Electrician Licensure Examination sina Johnmar Licuanan na number 2 na nakakuha ng 94.50% rating, ang dalawang number 4 na sina Jefferson Baptista Jr. at Leonerie Juan ay kapwa nakakuha ng 93.50% rating habang ang number 10 na si Sherwin Manalo ay nakakuha ng 90.50% rating.
Lagi naman anyang kumpiyansa na maganda ang performance ng kanilang graduates at bonus na lamang sa kanila ang nag-top na apat.
Ang Number 2 na si Johnmar Licuanan ay nagtapos bilang Magna Cum laude noong buwan ng Agosto at pinatunayan niya rin ang kanyang kagalingan matapos mag-number 2 sa licensure examination.
Ang performance sa mga pumapasa sa board examinations ay nangangahulugang maganda ang mga programa na isinusulong ng ISU System.
Nagsisimula ito sa mahigpit ng admission policies hindi lamang sa ISU Ilagan Campus kundi maging sa buong ISU system.









