Bumaliktad ang isang pampasaherong jeep na may sakay na mga estudyante matapos ang banggaan sa isang SUV sa bahagi ng Tallungan, Reina Mercedes, Isabela bandang alas-2:00 ng hapon ngayong Mayo 7.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang jeep ay patungo sana sa Lungsod ng Ilagan at lulan ang tinatayang 15 hanggang 20 nursing students nang mangyari ang insidente. Samantala, ang SUV ay patungo naman sa Cauayan City.
Ayon sa mga inisyal na ulat, umagaw umano ng linya ang SUV na naging dahilan ng banggaan ng dalawang sasakyan. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang jeep hanggang sa bumaliktad ito at dumausdos sa kalsada.
Sa lakas ng impact, nadamay rin ang isang nakaparadang single motorcycle na malapit sa pinangyarihan ng aksidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente at kung sino ang may pananagutan sa aksidente.











