--Ads--

Sinuspinde ng Supreme Court (SC) si Jesus Falcis sa pagiging abogado sa loob ng isang taon dahil sa pagmumura sa isang post sa social media noong 2018.

Sa desisyong inilabas ng SC, sinabing hindi angkop sa isang abogado ang pagmumura at personal na pag-atake sa social media.

Nag-ugat ang kaso sa tweet ni Falcis kung saan minura niya ang mga tinawag niyang “dilawan” habang ipinagtatanggol ang kanyang kapatid na nahaharap noon sa reklamong pagnanakaw na isinampa ni Kris Aquino.

Ayon sa Korte Suprema, bagama’t may kalayaan sa pagpapahayag, inaasahan sa mga abogado na pairalin ang disiplina at pagiging propesyonal sa kanilang mga pahayag, lalo na sa social media.

--Ads--

Matapos ang desisyon, sinabi ni Falcis na tinatanggap niya ang parusa at iginagalang ang kapasyahan ng Korte Suprema.

Aniya, handa niyang pagbayaran ang anumang kapalit ng kanyang pagtatanggol sa kanyang pamilya noong mga panahong aniya’y wala silang ibang boses kundi ang social media.

Giit niya, dapat managot ang lahat ng abogado sa kanilang mga salita at kilos.

Kasabay nito, hiniling ni Falcis sa Korte Suprema na resolbahin ang mga nakabinbing disbarment case laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte upang maipakita umano na walang sinuman ang nakahihigit sa batas.

Nanawagan din siya sa senator-judges na kung ang isang abogado na tulad niya ay maaaring masuspinde dahil sa pagmumura, ang isang Pangalawang Pangulo tulad ni Sara Duterte ay dapat din aniyang managot hindi lamang sa pagmumura kundi pati na rin sa pagbabanta sa buhay ng Pangulo at ng Unang Ginang.