--Ads--

Sisimulan na ng House of Representatives bukas, Agosto 17, ang pagtalakay sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 na magsisilbing batayan ng paggastos ng pamahalaan sa susunod na taon.

Ayon kay Manila Representative Bienvenido Abante Jr., itinakda ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija Representative Michaela Suansing ang pagsisimula ng budget deliberations sa Lunes.

Magsisimula ang pagtalakay sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) hinggil sa mga pinagkukunan ng pondo, nakatakdang gastusin ng pamahalaan, at mga panukalang budget ng mga departamento, ahensya at government-owned and controlled corporations.

Kabilang sa mga miyembro ng DBCC ang Department of Budget and Management, Department of Economy, Planning and Development, Department of Finance at Bangko Sentral ng Pilipinas.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Abante na ang isinumite ng Malacañang sa Kongreso ay ang National Expenditure Program o NEP, na nagsisilbing panukalang bersyon ng ehekutibong sangay ng gobyerno at hindi pa ang pinal na pambansang badyet.

Dadaan pa ang panukala sa masusing pagtalakay at pag-apruba ng Kamara at Senado bago ito maging General Appropriations Bill. Kapag may pagkakaiba sa mga bersyon ng dalawang kapulungan, bubuo ng bicameral conference committee upang pag-isahin ang mga probisyon nito bago ipadala sa Pangulo para sa pinal na paglagda.

Batay sa datos ng Department of Budget and Management, kabilang sa may pinakamalalaking alokasyon sa panukalang 2027 budget ang Department of Education na may ₱976 bilyon, Department of Public Works and Highways na may ₱644 bilyon, at health sector na may ₱353.8 bilyon para sa Department of Health at PhilHealth.

Binigyang-diin naman ni Abante na mahalagang maging bukas at malinaw sa publiko ang proseso ng pagtalakay sa badyet dahil pera ng mga nagbabayad ng buwis ang pinag-uusapan sa naturang panukala.