--Ads--

Sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing sa The Hague, kinuwestiyon ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kredibilidad ng mga testigo na pinili ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor. Ayon kay Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, tila sadyang pinili ang mga testigo upang itarget ang dating pangulo.

Giit ni Kaufman, hindi sumailalim sa masusing pagsusuri ang mga testigo at hindi rin nakumpirma ang kanilang mga pahayag. Tinawag pa niyang “self-confessed murderers” ang ilan sa kanila, na umano’y binigyan ng proteksiyon at katiyakang hindi magagamit laban sa kanila ang kanilang mga testimonya. Para sa depensa, ito ay “morally repugnant” at nakapagdududa sa pananaw ng pampublikong polisiya.

Dagdag pa ng depensa, ang salitang “neutralize” na ginamit sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte ay nangangahulugang pagsupil o pag-aresto sa mga suspek, taliwas sa pahayag ng mga “insider witnesses” ng Prosecution na ito’y nangangahulugang pagpatay. Iginiit din ng depensa na walang direktang utos si Duterte na pumatay ng mga biktima, at ang mga talumpati at pahayag ng dating pangulo ay dapat ituring na “hyperbole” at “bluster.”

Binanggit din ng depensa na nabigo ang Prosecution na patunayan na ang kampanya kontra droga ay nakatuon sa buong populasyon ng Pilipinas, kaya’t hindi ito maituturing na krimen laban sa sangkatauhan.

--Ads--

Samantala, nananatiling matibay ang posisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na may sapat na batayan upang paniwalaan na si Duterte ay may pananagutan bilang “indirect co-perpetrator” sa umano’y Crimes Against Humanity na naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.