--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinampahan ng kaso ng National Bureau Of Investigation (NBI) Isabela ang ilang opisyal ng barangay sa Lunsod ng Cauayan dahil sa umano’y anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Timoteo Rejano ng NBI Isabela, sinabi niya na ang nasabing reklamo ng anomalya sa pamamahagi ng SAP ay inirefer sa kanila ng 8888 citizens complaint hotline noong buwan ng Hunyo dahil doon nagpadala ng reklamo si Ginang Modesta Cariazo, isang senior citizen na residente ng Naganacan, Cauayan city.

Agad nilang tinungo ang nasabing barangay upang maberipika ang pangalan ng mga nagrereklamo na kanila namang natunton.

Ang mga inireklamo ay sina Renato Aquino barangay Kapitan, Joey Mendoza Barangay Kagawad, Rochel Lorenzo at Yolanda Garcia na pawang barangay health workers ng nasabing barangay, Flordeliza Pascua, daycare teacher at ang Barangay Secretary na si Lorelyn Parchamento.

--Ads--

Ayon kay Provincial Director Rejano, batay sa sinumpaang salaysay ng mga nagrereklamo, inihayag ng mga ito na wala silang natanggap na anumang tulong mula sa SAP samantalang kabilang sila sa Poorest of the poor at isang farmer laborer lamang.

Gayunman, sa kabila ng walang natanggap na tulong ang mga nagrereklamo ay ipinaskil sa isang facebook page ng Pamahalaang Lunsod ng Cauayan na ang isa sa mga nagrereklamo ay nakatanggap ng ayuda mula sa SAP.

Dahil sa nasabing reklamo at ilang ebidensiya ay sinampahan ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti Graft and corrup Paractices), Republic Act 11269 (Bayanihan to Heal as One Act) at Republic act 6713 (Code of conduct and Ethical standards for Public Officials and Employees) ang mga nabanggit na opisyal ng Barangay.

Maliban sa naturang mga reklamo maaaring masampahan pa ng karagdagang kaso na illegal detention si Kapitan Aquino dahil napag-alaman na matapos maisampa ang naturang mga kaso sa  City Procecutor ng Cauayan ay sapilitang dinala ng kapitan ang mga nagrereklamo sa Himpilan ng Pulisya.

Dahil dito, ang nasabing reklamo ay iiaakyat ng NBI Isabela sa tanggapan ng Pangulo sa Malacañang.

Giit niya na bagamat nakapagsampa na sila ng kaso ay ang korte pa rin ang magpapasya at maghihimay himay sa mga inihaing edidensiya, maging ang pagpapatawag sa mga nauugnay na ahensiya ng pamahalaan upang matukoy ang kanilang naging papel sa pamamahagi ng SAP sa nasabing barangay.

Tinig ni Provincial Director Timoteo Rejano.

Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Ginang Modesta Cariazo na may kinalaman siya sa nasabing pagsasampa ng kaso laban sa kanilang Kapitan at ilan pang opisyal ng kanilang barangay.

Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Cariazo, sinabi niya na wala siyang kaalam sa nasabing usapin dahil bigla na lamang siyang isinama o dinala sa tanggapan ng NBI sa Lunsod ng Ilagan.

Aniya, isang Edith Pascua ang nagsama sa kaniya sa tanggapan ng NBI at sinabing kailangan niyang sumama dahil makukuha niya ang kaniyang ayuda mula sa SAP subalit nang makarating sa nasabing tanggapan ay may ilang katanungang tinanong sa kaniya at ilang dokumentong ipinapirma.

Hindi niya alam na naghain na pala siya ng kaso at walang kamalay malay sa ginagawa o pinagawa sa kaniya dahil hindi naman siya nakapagtapos ng pag-aaral.

Tinig ni Ginang Modesta Cariazo.

Ganito rin ang naging pagpapahayag ng ilang kamag-anak ni Ginang Modesta Cariazo.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Jeniffer Cariazo, manugang ni Ginang Modesta Cariazo, iginiit niya na wala silang kaalam alam na ganon ang gagawin sa kaniyang biyanan.

Aniya, batay sa lalaking nakausap niya na naunang naghanap sa kaniyang biyanan sinabi nito na kailanagn niyang sumama sa kanila upang makuha niya ang kaniyang ayuda mula sa SAP.

Sa pag-aakalang totoo ang sinasabi ng naghahanap sa kaniyang biyanan ay pinayagan niya itong sumama sa pag-asang makukuha na niya ang kaniyang ayuda mula sa SAP na gagamitin sana sa kaniyang mga pangangailangan.

Humingi naman siya ng paumanhin sa kanilang barangay kapitan at sa ilan pang opisyal ng barangay na nadamay sa nasabing reklamo.

Nanawagan rin siya kay Editha Pascua Mauricio na siyang nagsama sa kaniyang biyanan sa tanggapan ng NBI na itigil na ang kaniyang ginagawa at itigil na rin ang pagkaladkad sa kanilang pamilya may kaugnayan sa nasabing issue dahil wala silang alam sa nasabing reklamo.

Tinig ni Jeniffer Cariazo.