Ang P-pop Kings na SB19 — Pablo, Ken, Stell, Josh at Justin — ay todo-paghahanda para sa pinakamalaking konsiyerto nila.
Gaganapin ngayong gabi ang “Wakas At Simula” concert, na magsisilbing finale ng kanilang “Simula At Wakas” tour at kaakibat ng paglabas ng kanilang EP: Pagsibol, Pagtatag, at Simula at Wakas.
Unang outdoor concert nila ito, at inaasahang hihigitan pa ang kanilang matagumpay na Philippine Arena shows noong nakaraang taon, kung saan sila ang kauna-unahang Pinoy act na nag-headline at nag-sold out ng venue na dinaluhan ng mahigit 100,000 fans.
Kasama sa lineup ang Japanese boyband na BE:FIRST, na makikipag-collab sa SB19 para sa kanilang kantang Toyfriend. Ayon sa grupo, isa ito sa pinakamalaking live audiences na kanilang haharapin.
Itinuturing ng SB19 na parang full-album production ang konsiyerto, kasabay ng paglabas ng kanilang 24-track album “Wakas At Simula” na nagbubuo sa lahat ng EPs nila at may dagdag pang anim na bagong kanta.
Bukod sa collab performance kasama ang BE:FIRST, may mga sorpresa pang inihahanda ang SB19 para sa kanilang A’TIN. Aminado ang grupo na pushed to the limit ang kanilang rehearsals, ngunit naniniwala silang sulit ang lahat ng pagod para maihatid ang isang world-class na palabas.







