
CAUAYAN CITY – Naisilbi na ng Commission on Higher Education (CHED) Region 2 ang show cause order sa pamunuan ng kolehiyong nagsagawa ng face to face classes sa lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Julieta Paras ng CHED Region 2 na patapos na ang isinasagawa nilang pagsisisyasat may kaugnayan sa pagsasagawa ng face to face classes ng isang kolehiyo sa lunsod ng Cauayan na kamakailan ay nakapagtala ng positibong kaso ng COVID-19.
Aniya, binibigyan na lamang ng sampong araw ang pamunuan ng kolehiyo para magpaliwanag bago pagpasyahan ang sanctions na ipapataw sa nasabing kolehiyo.
Ayon kay Regional Director Paras, inamin ng pamunuan ng kolehiyo na nagsagawa sila ng face to face classes noong ika-29 ng Agosto at ika-5 ng Setyembre.
Aniya, dahil sa pangyayari ay mayroong liability ang pamunuan ng kolehiyo dahil sa ginawang face to face classes na malinaw na paglabag sa panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF).
Nilinaw naman niya na hindi pinapayagan ng CHED ang pagsasagawa ng ano mang face to face classes sa lahat ng paaralan sa buong rehiyon.










