--Ads--

Kinuwestiyon ng labor group na Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro) ang hakbang ng dalawang government contractor na pigilan ang pagpapatupad ng P85 arawang umento sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Noong Huwebes, naglabas ang Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ng temporary restraining order (TRO) na pansamantalang nagpapatigil sa implementasyon ng National Capital Region Wage Order No. 27 hanggang Agosto 13.

Batay sa mga ulat, ang mga naghain ng petisyon sa korte ay ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc.

Iginiit ng dalawang kumpanya na hindi umano isinasaalang-alang ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang kakayahan ng mga employer na magbayad ng dagdag-sahod, gaya ng itinatadhana ng batas.

--Ads--

Ayon pa sa mga kumpanya, naapektuhan ang kanilang operasyon ng mataas na inflation at pagtaas ng gastos sa pagpapatakbo na nagresulta sa pagliit ng kanilang kita sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Tinuligsa naman ni Sentro Secretary-General Josua Mata ang naging kautusan ng korte at tinawag itong isang insulto sa mga manggagawang Pilipino at sa mga nagbabayad ng buwis.

Ayon sa labor group, hindi dapat ginagamit ng mga kumpanyang pinagkakatiwalaan ng gobyerno sa malalaking proyektong pang-imprastraktura ang mga korte upang hadlangan ang pagbibigay ng makatarungang sahod sa kanilang mga manggagawa.

Sa ilalim ng wage order, itataas ng P85 ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region na hahatiin sa dalawang yugto.

Nagsimula ang unang bugso na P60 noong Hulyo 25 habang nakatakdang ipatupad ang natitirang P25 sa Enero 2027.