--Ads--

Humihiling ng mas malalim na imbestigasyon at hustisya ang pamilya ng isang 22-anyos na rider na nasawi matapos bumangga ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa isang van sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Batay sa naunang ulat, nangyari ang aksidente noong Setyembre 7, 2026, kung saan kapwa binabagtas ng van at motorsiklo ang national highway patungong Cabatuan, Isabela.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, nasa unahan umano ng motorsiklo ang van nang tangkain nitong kumaliwa upang pumasok sa isang establisimyento.

Kasabay naman nito ang pag-overtake umano ng rider ng motorsiklo, dahilan upang bumangga ito sa likurang bahagi ng van.

--Ads--

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang rider at kalaunan ay nasawi.

Gayunman, lumapit sa Bombo Radyo Cauayan ang Kapatid ng biktima na si Angel May Cabanilla upang linawin ang ilang detalye kaugnay sa nangyari matapos ang aksidente.

Ayon sa kapatid ng biktima, hindi umano agad dinala sa ospital ang kaniyang kapatid at sa halip ay dinala muna sa police station.

Giit ng pamilya, batay sa kuwento ng mga kasamang barkada ng biktima, humihinga pa umano ito matapos ang aksidente at nakiusap sila sa mga rescuer na dalhin agad siya sa pagamutan.

Ayon pa sa pamilya, sinabi umano ng mga rescuer na kailangan muna ang pirma ng magulang bago madala sa ospital ang biktima.

Nang makarating ang pamilya sa police station, doon na umano nila nakita ang kanilang kaanak na wala nang buhay.

Iginiit din ng pamilya na wala silang nakitang malinaw na indikasyon na nabigyan ng first aid ang biktima bago ito dinala sa police station.

Samantala, taliwas naman ito sa naunang police report na nagsasabing agad na dinala sa pagamutan ang rider matapos ang aksidente.

Bukod dito, kinukuwestiyon din ng pamilya ang resulta ng paunang imbestigasyon na nagsasabing nag-overtake ang biktima bago bumangga sa van.

Ayon sa pamilya, nais nilang makuha at masuri ang CCTV footage sa lugar upang mas malinaw na matukoy kung paano talaga nangyari ang insidente.

Hinala ng pamilya, posibleng nagkaroon ng pagliko o pag-cut ng van habang nasa likuran nito ang motorsiklo, ngunit iginiit nilang kailangan itong mapatunayan sa pamamagitan ng CCTV at iba pang ebidensya.

Samantala, sinabi rin ng pamilya na nagkaroon umano ng mabilisang pag-uusap tungkol sa pag-aareglo matapos ang aksidente at may ipinakitang kasulatan na nagsasaad na hindi na sila maghahain ng kaso.

Gayunman, ayon sa pamilya, nakatanggap sila kalaunan ng tawag mula sa pulisya na nagsasabing hindi umano naging pinal o hindi pumasok ang naturang kasunduan, dahilan upang muling umasa ang pamilya na maaari pang maimbestigahan nang mas malalim ang insidente.

Dahil dito, panawagan ngayon ng pamilya ang mas malinaw na paglalahad ng mga pangyayari, partikular ang aktuwal na naging kalagayan ng biktima matapos ang aksidente, ang naging tugon ng mga rescuer, at ang eksaktong sanhi ng banggaan.

Hiling din nila na mailabas o masuri ang CCTV footage upang matukoy kung sino talaga ang may pananagutan sa insidente.

Giit ng pamilya, hindi nila layuning magbintang, kundi malaman lamang ang buong katotohanan at mabigyan ng hustisya ang kanilang kaanak.

Samantala, sa panig naman ng Rescue 922 na siyang rumesponde sa naturang aksidente, may sinusunod silang protocol kung saan ang isang sangkot sa aksidente na dead on the spot ay nangangailangan ng kaanak o presensya ng kaanak bago dalhin sa pagamutan.

Pinabulaanan din nila ang pahayag ng umanoy mga kaibigan ng biktima na humihinga pa ito ng kanilang respondehan at dalhin sa PNP.

Batay sa impormasyong nakuha sa Rescue 922 natagalan bago naiparating sa kanila ang aksidente dahil napansin na lamang ng umanoy mga kaibigan ng biktima na nawawala ito ng makarating na sila sa bahagi ng Aurora, Isabela.

Dito na umano sila bumalik para hanapin o tignan kung ano ang nangyari sa biktima bago natuklasan ang kalunos-lunos na sinapit nito.

Nanindigan ang rescuers na walang naganap na pakikiusap ng mga kaibigan at hindi rin totoo na humihinga pa ang biktima dahil batay sa assestment dead on the spot ito.