--Ads--

Nasangkot ang isang tricycle driver sa aksidente matapos umanong magmaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak sa kahabaan ng Santiago-Tuguegarao Road, Barangay Rizal dakong alas 9:24 ng gabi nitong Pebrero 5.

Kinilala ang driver ng tricycle na si Alyas Mar, 28-anyos, residente ng Barangay Batal, Santiago City.

Ayon sa ulat ng Traffic Enforcement Unit, nawalan ng kontrol sa manibela ang naturang driver ng tricycle na naging sanhi sa pagkakabangga nito sa nakaparada ring tricycle na pagmamay-ari naman ni Rolly Fernandedz, 70 taong-gulang at residente ng Barangay Caloocan sa nasabi ring lungsod.

Batay sa imbestigasyon patungo sana sa direksyon ng Tuguegarao ang tricycle ni Alyas Mar nang aksidenteng tumama ito sa kanang gulong ng tricycle na nakaparada. Lumalabas sa imbestigasyon na tinangka pa umanong tumakas ni Alyas Mar patungong Agustin Street ngunit naharang siya ng may-ari ng nakaparadang tricycle.

Bilang resulta , parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan habang ang halaga naman ng mga nasirang kagamitan ay hindi pa natutukoy.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Pulisya upang matukoy ang kaukulang pananagutan ng driver at maiwasan ang kahalintulad ng aksidente sa hinaharap.

Samantala, nagpaalala naman ang hanay ng Traffic Enforcement Unit (TEU) sa pangunguna ni PLT. COL. Ricson Guiab, ang hepe ng TEU sinabi nitong sumunod ang publiko sa batas trapiko, huwag magmaneho ng lasing at siguraduhing naka-helmet ang lahat ng motorsiklo.

Aniya, ang paggamit ng helmet at iba pang safety gear ay makatutulong upang maiwasan ang malubhang pinsala o panganib sa kalsada. Dagdag pa niya, magmaneho ng maingat, panitilihin lamang na mababa ang bilis sa kalsada at maging alerto sa iba pang motorista upang mapantili ang kaligtasan ng lahat.