--Ads--

‎Pormal nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang kauna-unahang pump track sa lungsod na inaasahang magsisilbing bagong sentro para sa mga mahilig sa extreme sports gaya ng biking at skateboarding.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Santiago City Mayor Sheena Tan, sinabi niya na layunin ng proyekto na mabigyan ng ligtas at maayos na pasilidad ang mga kabataan upang mailayo sila sa bisyo at labis na paggamit ng gadgets habang nahuhubog ang kanilang disiplina, pisikal na kalusugan at pakikipagkapwa sa kapwa sports enthusiasts.

‎Sinabi ng alkalde na bahagi rin ito ng pagpapalakas ng sports tourism program ng lungsod at hindi pa rito nagtatapos ang mga plano ng pamahalaang lungsod sa pagpapaunlad ng mga outdoor recreational spaces para sa publiko.

‎Binigyang-diin naman ni Mayor Tan na mahigpit na ipatutupad ang mga panuntunan sa paggamit ng pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga gagamit nito. Kabilang dito ang pagsusuot ng kumpletong protective gear ng mga bike enthusiasts habang kinakailangang may kasamang magulang o guardian ang mga menor de edad.

--Ads--

‎Aniya, hindi papayagang makapasok sa pasilidad ang mga walang sapat na protective equipment kasabay ng panawagan sa komunidad na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at responsableng paggamit ng naturang pasilidad.

‎Libre at bukas sa publiko ang naturang pump track na inaasahang magiging karagdagang atraksyon para sa mga mahilig sa extreme sports at magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataan ng Santiago City.